INDIO
- Angelica Simpao
- Oct 16, 2016
- 1 min read
Tuwing ako ay lalabas ng aming munting tahanan
Maririnig ko ang malakas nilang tawanan
Mga kutyang walang katapusan
Kung minsan ako pa ay babatuhin at babatukan
Mata nila’y susundan ako sa bawat aking tapakan
Indio ang aking pangalan
Kayumangi at hindi katangkaran,
Walang kamay sa kanan,
Nagtitinda ng basahan sa daan,
At nangangarap makapasok sa paaralan
Nung minsang may patimpalak sa bayan
Malaking pera ang pwedang mapanalunan
Kantahan daw ang labanan
Kung kaya’t nag ensayo at pinaghandaan
Upang maipakita na ako’y may ilalaban sa kantahan
Ngunit nung mismong araw sa tanghalan
Wala akong damit na mapaghiraman
Umakyat ng entablado kahit kinakabahan
At sa aking pag hawak ng mikropono sa harapan
Silang lahat ay nagtawanan.
Hindi alam kung paano uumpisahan
Ang piyesang aking pinaghandaan
Luha ko’y tumulo at hindi na tumahan
At sa entablado ako ay dali daling lumisan
Hindi ko man lang naparinig ang aking kanta
Dahil aking anyo ang unang napuna
Hindi ko mawari bakit tingin sakin ay walang kwenta
Porket ba ako’y mabaho at mukhang basura
Pati aking talento binase sa itsura.
Comments